Si Juan Para Sa Paraisong Salat
Tula para sa bansang aking sinilangan, tahanang puno ng umaalingasaw na basurang wala sa tamang tapunan
Juan, narinig mo na ba ang laman ng mga balita?
May estudyante nanamang namayapa na
Hindi nabigyan ng pagkakataong tuparin ang pangarap
Dahil sa mga taong walang ibang ginawa kundi magpahirap.
Juan, narinig mo na ba ang nangyari kay Pedro?
Siya’y binawian ng buhay sa isang engkwentro
Anila’y nakuhanan ito ng ipagbabawal na gamot
Nang manlaban, tinutukan ng baril at ipinutok.
Juan, narinig mo na ba ang nangyari kay Juana?
Kaniyang puri’y dinungisan ng mga kaibigang inaakala
Ngayon siya’y naghihinagpis sa karanasang sinapit
Gustong sumigaw ngunit tinig ay pinapatahimik.
Juan, naririnig mo ba ang kanilang mga tinig?
Puno ito ng poot at paghihinagpis mula sa kanilang pag-uusig
Juan, iyo bang nakikita ang kanilang mga luha?
Para itong talon na walang tigil sa pagbagsak sa mukha
Juan, ikaw ay gumising na
Ihanda ang tengang makinig at buksan ang mga mata
Lumaban at gamitin ang sariling tinig,
Para sa mga tinig na pinatahimik, ika’y tumindig.
Juan, ikaw sana’y mamulat
Sa kung ano nga ba ang totoo at hindi dapat
Huwag sanang magpagapi sa karahasan at kasamaan
Juan, ikaw sana’y maging simbolo ng pagiging huwaran.
Juan, sapagkat ikaw ang pag-asa ng mga tao
Ang siyang simula ng pagbabago
Para sa bayang sagana sa karahasan at kasamaan
Ngunit salat sa hustisya at kasarinlan.
— soberara